Template by:
Free Blog Templates

Friday, August 28, 2009

United Opposition...United nga ba?


United Opposition, binubuo ng ibat-ibang grupong politikal na laban sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Gloria. Naglunsad ng sari-saring protesta laban sa di umano'y katiwalian sa pamumuno ng pangulo. Nagbulgar ng mga katiwaliang kinasasangkutan di umano ng pangulo. Ngunit kilala ba natin kung sinu sino ang bumubuo sa tinatawag nating "united opposition" ? Nangunguna na dyan si Jejomar Binay ang pangulo ng United Opposition. Si dating pangulong Joseph Estrada,ang mga senador na sina Ping Lacson, Nene Pimentel, Alan Peter Cayetano, Mar Roxas, Jamby Madrigal, Chiz Escudero, Noynoy Aquino, Loren Legarda, Manny Villar,

Ngunit may tanong na gumugulo pa rin sa karamihan sa atin, talaga nga bang united ang United Opposition o UNO kung tawagin. Nagkakaisa nga sila laban sa pamumuno ng pangulo ngunit hindi sila matatawag na united sa kanilang mga ambisyong politikal. Ngayong umaarangkada ang labanan sa pangpanguluhan, makikita na natin ang pagkakawatak watak ng oposisyon. Nandyan na nagdeklara na ng intensyon si Mar Roxas at Manny Villar. Nagdeklara n rin si Jamby Madrigal na tatakbo siya sa pagka pangulo, bagamat umatras na si Ping Lacson, nagpapahiwatig naman si Jejomar Binay ng Makati na tumakbo ring presidente. Nagpahayag na rin ng kahandaang tumakbo bilang pangulo si Loren Legarda. Pinag iisipan pa ni Chiz Escudero kung tatakbo siyang pangulo at gayun din naman ang dating presidente Joseph Estrada. Tatakbo raw ang dating pangulo kung hindi magkakaisa ang oposisyon. Ngunit para na rin niyang sinabi na tatakbo siya bilang presidente dahil alam natin at alam niya na malabo pa sa tinta ng pusit na magkakaisa ang oposisyon. Iba naman ang kaso ni Noynoy Aquino naghihintay siya ng malaking suporta para tumakbo tulad ng paglipon ng 1milyong lagda para sa kanyang pagtakbo at pagsasabit at pgsusuot ng dilaw upang makumbinsi siya na tumakbo sa pagka pangulo.

Ano pa man ang kanilang mga hinihintay, isa lang ang nabubuo hindi lang sa aking isipan kundi sa isipan ng ilan, na nagkakaisa sila sa pagsira sa pangulo at hindi kailan man sila magkakaisa para sa ikauunlad ng bansa at hindi rin sila magkakaisa kahit kailan kung pag uusapan ang pagtakbo bilang presidente dahil namamayani pa rin sa kanila ang kanilang personal na interes

Thursday, August 20, 2009

Willie Revillame... In or Out


Willie Revillame, mas kilala sa tawag na "pappy" sa kanyang pangtanghaling palabas na "Wowowee" sa ABS-CBN. Unang nakilala bilang sidekick ng mga kilalang action star tulad ni Cesar Montano. Nabigyan ng break ng mapasama sa popular na "noontime show" na Magandang Tanghali Bayan o MTB, kasama sina Rnady Santiago at John Estrada ngunit hindi rin nagtagal ang kanilang pamamayagpag dahil sa mga kontrobersiya tungkol sa kanilang mga "green joke". Natigil ang career ni Willie ng mawala ang kanilang show. Dun naramdaman ni Wilie ang pagiging salat sa pinansyal. Ngunit nabigyang muli si Willie ng isa pang magandang pagkakataon o "break", nang mag host siya sa isang "service oriented program " na Willingly Yours. Malayo sa kanyang imahe sa nakaraang show na MTB, si Willie ay kakikitaan mo ng matatawag nating "good boy image". Kung dati'y puro kabastusan ang maririnig mo sa kanya, dito'y larawan siya ng isang matinong tao na laging handang tumulong sa mga nangangailangan. Dito masasabi nating lubusan ang pag angat ni Willie. Matapos ang kanyang programang Willingly Yours. Nasundan ito ng masasabi kong isang Great Leap para sa career ni Willie ng mag host sya sa kalukuyan nyang show ang Wowowee. Mabilis itong namayagpag sa telebisyon ng mga bawat tahanan. Nakuha ang kiliti ng bawat Pilipino dahil sa dulot nitong kasiyahan at marahil sa pagtulong sa mga kapuspalad nating kababayan. Ngunit naganap ang isang di inaasahang pangyayari sa dapat na anniversary presentation nila. Nagkaroon ng isang "stampede" habang maraming nakapila sa Ultra para manood at sumali sa kanilang anniversary presentation. Marami ang nasugatan at 71 ang binawian ng buhay. Isang dagok sa isang programang bumubulusok na ang ratings. Ngunit nakayanan ni Willie ang trahedyang ito hanggang sa tuluyan na ngang namayagpag ang Wowowee. Nakaya na nitong patumbahin ang katapat nitong Eat Bulaga. Ngunit sa kabila ng matagumpay na programa kakambal na yata talaga ni Willie Revillame ang masasabi nating kamalasan. Matatandaang marami ang nagalit kay Willie ng ipatanggal niya ang live coverage ng libing ni dating presidente Cory. Katwiran niya ay mahalay na silay nagkakasiyahan tapos sa tabi ng kanilang screen ay ang libing naman ni Tita Cory. Marami ang bumatikos kay Willie sa kaniyang inasal. Napilitan syang mag indefinite live ng halos 2 linggo. Marami ang humiling sa ABS-CBN na tanggalin na si Willie sa show dala na sigurado ng emosyon ng maraming Pilipino sa pagkamatay ni Tita Cory.

Ngunit tama ba ang inasal ni Willie nung libing ni Tita Cory? Dapat ba siyang tanggalin ng ABS-CBN.? Ang sagot ko ay OO at HINDI, OO tama ang inasal ni Willie dahil mahalay nga naman na silay nag iiritan at nagtatawanan at naghihiyawan habang sa tabi naman ng kanilang screen ay may inililibing, gamitin sana natin ang ating sentido kumon, wag tayong padala sa emosyon. Sa tingin ko walang pambabatos na nangyari naging tapat lamang si Willie sa kanyang sarili. Oo ngat napapansin ko na medyo tumataas na rin ang libel ng yabang ni Willie pero hindi ito dapat maging basehan kung dapat nga siyang parusahan ng istasyon. Kung tutuusin ang ABS- CBN ang dapat sisihin dahil gusto pala nilang icover ang buong libing ni Tita Cory sanay hindi na lang nila pinaere ang Wowowee, o dili kaya'y itinigil muna nila ang coverage ng libing tutal ay alam naman nilang matagal pa ang prusisyon ng libing at ibinalik din ang coverage matapos ang Wowowee. At HINDI naman ang sagot ko sa kung dapat bang tanggalin si Willie ng ABS-CBN..kasi malinaw na walang paglabago pambabastos na ginawa si Willie Revillame.

Ang aking mga huling nasulat ay sarili ko lamang na opinyon........

Wednesday, August 19, 2009

Mga Sundalong Pilipino "Dangal o Hangal " ng Bayan




Marahil ang isisusulat kong itong ay medyo sensitibo para sa iba nating mga kasundaluhan. Ngunit ito lamang ang aking napupuna sa takbo ng politika at sistema sa ating kasundaluhan. Ang mga sundalo ang ating mga tagapagtanggol kapag ang ating estado ay may banta laban sa mga kaaway ng estado. Sila rin ang nagsisilbing tagapamayapa sa ating estado.


Ngunit sa tingin ng patnugot nagbabago ang lahat ng ating inaasahan para sa kanila. Nag-umpisa ito ng mag umpisang mangarap ang ilan sa ating mga sundalo noong Nob.29,1989 na pataubin ang gobyerno ni Presidente Cory. Nag-iwan ito ng 91 patay na katao at 570 sugatan. Ako'y nasa ikalawang baitang pa lamang ng elementarya noong mangyari iyon. Natatandaan ko noon nawalan kami ng pasok ang sabi ng aking nanay "wala kayong pasok nagyon may giyera, tignan mo sa langit maraming TORA TORA paikot ikot". Dun nasaksihan ng mura kong isip ang nangyayari. Ngunit baliwala sakin yun dahil bata pa ako. Ngunit ang mga nakita ko pala sa kalangitan noon ay naging bahagi pala ng kasaysayan. Sa pangyayaring iyon nakilala si Gringo Honasan. Isa sya sa mga namuno sa pag aaklas ng mga sundalo. Naging popular, tumakbong senador at nagwagi. Naging puhunan niya ang masasabi nating "pag-aalburuto laban sa pamahalaan. Ngunit masasabi ba nating nasolusyunan niya ang mga hinaing at sentimyento ng mga nag-aklas na mga sundalo? Ngunit ang pag aaklas na ito ay nasundan pa ng ilang ulit. Tulad ng nangyari noong Hulyo 23, 2003. Papunta ako noon sa Malolos, Bulacan para pumunta sa nooy ay aking kasintahan dakong alas 4:00 ng umaga galing sa aking trabaho dito sa Cavite. Nagtaka ako noon kung bakit hindi dumaan sa flyover ng Makati ang aming sinasakyan bus at sa halip ay umikot ito sa ibang ruta papuntang Makati Medical Hospital. Nang makarating na ako sa bahay ng aking nobya napanood ko sa telebisyon na kinubkob pala ng grupo ng Magdalo ang Oakwood sa Makati. Dun ko nalaman ang sagot sa aking tanong kung bakit nag iba ng ruta aming sinasakyan bus. Pinamunuan ito ng ilang batang opisyal ng sandatahang lakas, kasama dito si Antonio Trillanes at Gerardo Gambala. Ang pag aaklas daw na ito ay hindi planado ayon sa kanila. Ngunit mapapansin na handang handa sila para sa pagkakataong ito. Nag aklas daw sila dahil sa labis na korupsyon sa sandatahang lakas ng Pilipinas at sa pamahalaan. Dito nakilala ang Magdalo ang grupo ng mga sundalong kumubkob sa Oakwood, dito rin nakilala si Antonio Trillanes. Tumakbo siyang senador noong nakaraang eleksyon noong 2007 at nagwagi, ngunit hindi makapagsilbi dahil sa kanyang kaso na isinampa ng gobyerno ukol sa kanyang pag aaklas. Ngunit nasolusyunan ba niya ang mga hinaing at sentimyento nila noong sila ay nag aklas laban sa gobyerno? Naulit pa ulit ang masasabing kong isang maambisyong pagtatangkang pataubin ang gobyerno ni GMA, nang mag walk sina Antonio Trillanes at Gen. Danilo Lim sa paglilitis sa kanilang kasong rebelyon. Namartsa sila papuntang Manila Peninsula Hotel, at hinimok ang taong bayan na mag aklas laban sa pamahalaan. Inukupa nila ang ikalawang palapag ng hotel. Ngunit makalipas ang ilang oras ay napilitan silang sumuko, dahil na rin sa ginawang aksyon ng gobyerno at dahil na rin sa wala silang nahimok na suporta ng taong bayan. Sa pangyayaring ito may isa na namang personalidad ang nakilala, ito ay si Gen. Danilo Lim. At tulad din ng aking inaasahan nagdeklara na rin syang tatakbong senador sa susunod na eleksyon. Ang tanong ko muli ay ganito masolusyunan kaya niya ang mga hinaing at sentimyento ng mga sundalong nag aklas noon? Dahil sa mga personalidad na nakilala ko sa mga naunang pag aaklas ang masasabi koy bigo sila na matugunan ang kanilang mga sariling hinaing.


Ilang rebelyon pa ba ang ating masasaksihan at ilang personalidad pa ba ang magpapakitang gilas upang tumakbo lamang sa posisyon sa gobyerno..O dili kaya'y isa lamang ito sa kanilang mga gimik kung tawagin...nagtatanong lang po!!!!.... ngunit saludo pa rin ako sa sa mga sundalong nagbubuwis ng kanilang buhay para sa katahimikan ng ating bansa. Sanay lahat silay kapakanan ng bansa ang kanila nais at hindi pansariling kapakanan.

Thursday, August 13, 2009

Populasyon ng Pilipinas







Marami ang nagtatanong ilang milyon na nga ba tayong mga Pilipino? Sapat pa ba ang kakayahan ng gobyerno upang tugunan ang lumolobong populasyon ng bansa? May plano ba ang gobyerno para limitahan ang populasyon ng bansa? Ilan lamang yan sa mga tanong na naglalaro sa isipan ng inyong patnugot.
Ang Pilipinas ay ika-12 bansa sa buong mundo kung sa laki ng populasyong ang pag uusapan na aabot sa halos 92 na milyon nitong taong kasalukuyan. Habang ang Maynila naman ay ika 11 lungsod na pinakamalaki ang populasyon sa buong mundo. Ito na marahil ang maituturing na panakamalaking balakid sa ating pag unlad, ang paglobo ng populasyon. Maikukumpara sa isang pamilya ang ating bansa. Na kahit na anong gawing kayod ng mga magulang, wala pa rin itong maidudulot na ginhawa kung sangkatutak ang kanilang anak. Hindi sapat ang kanilang kinikita upang maitustos sa kanilang pagkain at pangunahing pangangailangan. Dyan nasasakripisyo ang kanilang kalusugan at edukasyon. Dahilan sa kapos sa pananalapi hindi na nila kanayang gumastos para sa kalusugan at sa edukasyon. Ganito rin ang kalagayan ng ating gobyerno, kahit na anong trabaho pa ang gawin ng gobyerno hindi nito kayang tugunan ang pangangailan ng bawat Pilipino.
Bakit nga ba hindi maisabatas ang "Reproductive Health" sa ating bansa? May mga nagtatangkang ipasa ang "Reproductive Health Bill" ngunit ito ay mariing tinututulan ng simbahan at ilang konserbatibong grupo. Ang sabi nila'y ito raw ay isang paglabag sa utos ng ating Panginoon, may nagsasabi namang ito raw ay isang imoral, na magbubunsod sa tinatawag nating "premarital sex" sa mga kabataan.
Ang "Reproductive Health Bill"ay naglalayong hikayating ang taong bayan na sumubok sa mga paraan ng pagpaplano ng pamilya sa makalumang paraan man o sa makabagong pamamaraan. Layunin din nito na pangalagaan ang kalusugan ng ina at kanyang sanggol. At ang pangunahing layunin nito ay ang limitahan ang dami ng ating populasyon.
Sa aking pananaw ang isyu sa populasyon sa ating bansa ay mahalaga. Oo ngat ang isang bansang may malaking populasyon ay may malakas na lakas paggawa. Hindi pa rin natin masasabing ito ay isang lakas,dahil sa pag malaki ang populasyon malaki rin ang "demand" sa pagkain na halos wala na rin tayong mapagkunan,dahil sa sobrang siksikan na ang mga tao sa bansa. Ang mga bukirin ay ginagawa na rin nating mga kabahayan. Kulang na rin ang ating mga likas na yaman para sa lumolobong populasyon. Kaya panahon na para aksyunan ng gobyerno ang problema sa populasyon, nang sa gayon ay tuluyan na tayong umasenso. Huwag tayong magpatali sa mga taong sarado ang isipan tungo sa pag unlad. Asikasuhin natin ang kinabukasan ng bawat Pilipino. Huwag nating pahirapan ang ating mga sarili dahil sa marami tayong mga pinapakain at gingastusan. Mag isip tayo ng wasto.

Monday, August 10, 2009

TEAM PILIPINAS




Ilang araw ko na ring sinusubaybayan ang mga laban ng Team Pilipinas sa FIBA ASIA (mens championship) sa Tianjin, China. Natuwa ako ng halos pakainin ng alikabok ng Team Pilipinas ang Sri Lanka. Alam naman natin ang kalibre ng Sri Lanka, halos 14 na taon silang hindi nakapaglaro sa FIBA championship, dapat lang na manalo ang Pilipinas sa kanila. Sa sumunod na laro ang koponan naman ng Japan ang kanilang pinatumba. Matapos malamangan ng mga Hapon sa unang yugto ng laro ay tinapos ng Team Pilipinas ang laro sa score na 78-69. Isang larong masasabi nating hindi ganoong kadali para sa mga Pilipino. Sumunod nilang laro noong Sabado nang gabi ay ang grupo ng mga Koreano. Sa mga unang bahagi ng laro ay lamang ang mga koreano. Halos hindi ako mapakali habang nanonood ng laro. Natatawa na lang ako pag hindi nakakashoot ang mga Pinoy, halos gusto kong sigawan si Yeng Guiao na ilabas na si Willie Miller at Reymundo dahil halos wala na silang magandang nilalaro sa game. Si Miller halos wala yatang naiscore sa kanyang mga long shot at si Kerby Reymundo naman hindi ko malaman kung talagang paborito nyang tira ang reverse,kasi halos tutukan na ang bola sa ring ay pilit pa ring nirereverse....wala akong magawa kungdi ang mapamura habang nanood ng laro sa tv. Kanina matapos kong makauwi galing trabaho napanood ko ang laban ng Team Pilipinas laban sa Chinese Taipei, dito nakitang bumawi sina Willie Miller at James Yap sa kanilang matatawag na ting" pambayad utang " sa kanilang performance noong sabado pero parang hindi pa rin yata nakakabawi si Kerby Reymundo sa kanyang mga poor performance sa international event na ito. Ang masasabi ko lang kay Kerby ay sana makabawi sya sa kanyang mga kapalpakan. Sa tingin ko siya ang pinakamahina sa buong team. "He doesn't deserve to be in the national team". Napagwagian ng Team Pilipinas ang laban sa score na 77-70...Bukas makakaharap nila ang "powerhouse at defending champion" Iran. Sanay makabawi na si Kerby at nang mapatunayan ko sa sarili kong mali nga ang aking hinila para sa kanya..GOOD LUCK TEAM PILIPINAS

Friday, August 7, 2009

Gov. Ed Panlilio "Sinugong Politiko"




Eddie Tongol Panlilio...ikalawang paring nahalal sa gobyerno, nasuspinde sa kanyang pagpapari matapos ihayag ang kanyang naising tumakbo sa pagkagobernador ng Pampanga na naaayon sa "Canon Law" ng Vatican. Ginimbal nya hindi lamang ang Pampanga kundi ang buong bansa sa kanyang pagkakapanalo laban sa dating gobernador na si Mark Lapid at dating board member Lilia Pineda na asawa ni Bong Pineda na di umano'y isang "jueteng lord" sa Pampanga. Isang pambihirang pagkakataon na matalo ang mga maimpluwensya sa politika laban sa isang taong walang makinarya at walang pera.


Noong una isa ako sa mga nagsabi na imposible na manalo ang isang pari sa eleksyon lalo na sa isang mataas na posisyon. Ngunit isa rin ako sa mga nagulat ng manalo si "Among Ed" sa pagkagobernador ng Pampanga. Naging interesado tuloy ako sa kanyang tunay na pagkatao. Marahil ang kanyang pagkapanalo ay isa na ring hudyat na matalino na ang mga botanteng Pinoy. Naniniwala din ako na ang mga akusasyon ng mga kalaban ng gobernador na nandaya siya sa eleksyon ay hindi totoo. Saan po nmn kayo makakakita na walang partido, walang pera, walang impluwensya ang may lakas na mandaraya sa eleksyon...at masasabi rin nating bagito sa politika. At saka saan sulok ng Pilipinas na ang mga batikang politiko ay madadaya ng isang pari. Kaya po ako ay 100 % na sigurado na hindi nandaya si Ed Panlilio.


Hindi lingid sa ating kaalaman na si Gob. Ed Panlilio ay nagbabalak na tumakbong presidente sa ating bansa. Ang sabi nya'y hindi siya magnanakaw dahil wala siyang pamilyang bubuhayin, wala syang poprotektahang negosyo dahil wala syang negosyo, mananatili ang laman ng bank account na 250,000...sa tingin ko naman ay may katotohanan. Dahil yung ibang mga tatakbong presidente ay nagdadamihan ang pamilya, nagraramihan ang negosyo, at hindi matiyak kung magkano ang laman ng kanilang bank account. Nangangahulugan na marami silang masamang balak pagnakaupo na sa posisyon.


Ang sabi ni Gob. Ed Panlilio naghihintay siya kung may malaking "clamor" para sya tumakbo. Ang masabi ko lamang ay Gob.Ed Panlilio ikaw ang nakakahigit sa lahat ng nagbabalak na tumakbong presidente. Nasasayo ang mga katangian ng isang mahusay at epektibong lider.


Marahil ikaw ang isinugo upang mabago ang takbo ng politika sa Pilipinas.

Sunday, August 2, 2009

Paalam ...Presidente CORY




Maria Corazon Cojuangco"Cory" Aquino ipinanganak noong Enero 25, 1933. Asawa ni dating senador Benigno Aquino. Naging ika 11 pangulo ng Pilipinas at kauna unahang babaeng pangulo ng Pilipinas at buong Asya.Pinangunahan ang People Power Revolution noong 1986 na nagluklok sa kanya sa pagka pangulo. Isang pamana sa buong mundo na tinularan ng maraming mga bansa sa buong mundo. Isang pag aaklas sa mapayapang paraan na hindi kinailangan ng dahas. Pinanumbalik niya ang demokrasya na tinatamasa natin ngayon. Isang taong buo ang loob sa pagbabago at hindi nawalan ng tiwala sa taong bayan, labis ang tiwala sa ating Panginoong Lumikha....Ngayong wala na siya hindi natin malilimutan ang kaniyang naiambag sa ating bansa. Malaking kawalan sa Pilipinas hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Larawan siya ng isang demokrasya. Tunay na kalayaan na ang iba sa atin ay labis namang sinasamantala. Ngayong nagluluksa ang ating bayan sa kanyang pagkawala. Nawa'y buhayin natin ang tunay na diwa ng demokrasya. Demokrasyang hindi inaabuso ng karamihan. Demokrasyang sandigan ng ating kalayaan hindi kanlungan ng iilan. Kaya sa'yo Presidente CORY saludo ang buong sambayang Pilipino sa mga kontribusyon mo sa lahing kayumanggi. Hindi ka mawawala sa aming alaala. SALAMAT SA'YO