Template by:
Free Blog Templates

Wednesday, August 19, 2009

Mga Sundalong Pilipino "Dangal o Hangal " ng Bayan




Marahil ang isisusulat kong itong ay medyo sensitibo para sa iba nating mga kasundaluhan. Ngunit ito lamang ang aking napupuna sa takbo ng politika at sistema sa ating kasundaluhan. Ang mga sundalo ang ating mga tagapagtanggol kapag ang ating estado ay may banta laban sa mga kaaway ng estado. Sila rin ang nagsisilbing tagapamayapa sa ating estado.


Ngunit sa tingin ng patnugot nagbabago ang lahat ng ating inaasahan para sa kanila. Nag-umpisa ito ng mag umpisang mangarap ang ilan sa ating mga sundalo noong Nob.29,1989 na pataubin ang gobyerno ni Presidente Cory. Nag-iwan ito ng 91 patay na katao at 570 sugatan. Ako'y nasa ikalawang baitang pa lamang ng elementarya noong mangyari iyon. Natatandaan ko noon nawalan kami ng pasok ang sabi ng aking nanay "wala kayong pasok nagyon may giyera, tignan mo sa langit maraming TORA TORA paikot ikot". Dun nasaksihan ng mura kong isip ang nangyayari. Ngunit baliwala sakin yun dahil bata pa ako. Ngunit ang mga nakita ko pala sa kalangitan noon ay naging bahagi pala ng kasaysayan. Sa pangyayaring iyon nakilala si Gringo Honasan. Isa sya sa mga namuno sa pag aaklas ng mga sundalo. Naging popular, tumakbong senador at nagwagi. Naging puhunan niya ang masasabi nating "pag-aalburuto laban sa pamahalaan. Ngunit masasabi ba nating nasolusyunan niya ang mga hinaing at sentimyento ng mga nag-aklas na mga sundalo? Ngunit ang pag aaklas na ito ay nasundan pa ng ilang ulit. Tulad ng nangyari noong Hulyo 23, 2003. Papunta ako noon sa Malolos, Bulacan para pumunta sa nooy ay aking kasintahan dakong alas 4:00 ng umaga galing sa aking trabaho dito sa Cavite. Nagtaka ako noon kung bakit hindi dumaan sa flyover ng Makati ang aming sinasakyan bus at sa halip ay umikot ito sa ibang ruta papuntang Makati Medical Hospital. Nang makarating na ako sa bahay ng aking nobya napanood ko sa telebisyon na kinubkob pala ng grupo ng Magdalo ang Oakwood sa Makati. Dun ko nalaman ang sagot sa aking tanong kung bakit nag iba ng ruta aming sinasakyan bus. Pinamunuan ito ng ilang batang opisyal ng sandatahang lakas, kasama dito si Antonio Trillanes at Gerardo Gambala. Ang pag aaklas daw na ito ay hindi planado ayon sa kanila. Ngunit mapapansin na handang handa sila para sa pagkakataong ito. Nag aklas daw sila dahil sa labis na korupsyon sa sandatahang lakas ng Pilipinas at sa pamahalaan. Dito nakilala ang Magdalo ang grupo ng mga sundalong kumubkob sa Oakwood, dito rin nakilala si Antonio Trillanes. Tumakbo siyang senador noong nakaraang eleksyon noong 2007 at nagwagi, ngunit hindi makapagsilbi dahil sa kanyang kaso na isinampa ng gobyerno ukol sa kanyang pag aaklas. Ngunit nasolusyunan ba niya ang mga hinaing at sentimyento nila noong sila ay nag aklas laban sa gobyerno? Naulit pa ulit ang masasabing kong isang maambisyong pagtatangkang pataubin ang gobyerno ni GMA, nang mag walk sina Antonio Trillanes at Gen. Danilo Lim sa paglilitis sa kanilang kasong rebelyon. Namartsa sila papuntang Manila Peninsula Hotel, at hinimok ang taong bayan na mag aklas laban sa pamahalaan. Inukupa nila ang ikalawang palapag ng hotel. Ngunit makalipas ang ilang oras ay napilitan silang sumuko, dahil na rin sa ginawang aksyon ng gobyerno at dahil na rin sa wala silang nahimok na suporta ng taong bayan. Sa pangyayaring ito may isa na namang personalidad ang nakilala, ito ay si Gen. Danilo Lim. At tulad din ng aking inaasahan nagdeklara na rin syang tatakbong senador sa susunod na eleksyon. Ang tanong ko muli ay ganito masolusyunan kaya niya ang mga hinaing at sentimyento ng mga sundalong nag aklas noon? Dahil sa mga personalidad na nakilala ko sa mga naunang pag aaklas ang masasabi koy bigo sila na matugunan ang kanilang mga sariling hinaing.


Ilang rebelyon pa ba ang ating masasaksihan at ilang personalidad pa ba ang magpapakitang gilas upang tumakbo lamang sa posisyon sa gobyerno..O dili kaya'y isa lamang ito sa kanilang mga gimik kung tawagin...nagtatanong lang po!!!!.... ngunit saludo pa rin ako sa sa mga sundalong nagbubuwis ng kanilang buhay para sa katahimikan ng ating bansa. Sanay lahat silay kapakanan ng bansa ang kanila nais at hindi pansariling kapakanan.

0 comments:

Post a Comment